Aabot sa 93 websites ng gobyerno at pribadong kompaniya ang na-hack ng inarestong data security officer ng Manila Bulletin na si alias “Kangkong”.
Inamin din ng hacker na nagawa niyang ma-access ang websites na may servers na nakabase sa ibang bansa.
Nag-iwan din siya ng larawan sa mga website na kaniyang nakompormiso na may nakalagay na “Hacked by Kangkong” bilang pruweba.
Una rito, napag-alaman na ang naturang hacker ay isang 24 anyos at elementarya lang ang natapos.
Nagsimula siyang matutong mag-hack noong 15 anyos pa lamang siya.
Noong una ay ginagawa niya lamang ang pagha-hack dahil sa curiosity nito subalit kalaunan ay inaral na niya kung paano mag-hack ng website hanggang sa nakabisado na niya ito.
Sa isa namang extrajudicial confession, ibinunyag ng hacker na inutusan siya ng Senior Technology Officer ng Manila Bulletin na si Art Samaniego na i-hack ang Peacekeeping Operations Center website ng Armed Forces of the Philippines, ang mail server ng National Security Council at recruitment website ng Philippine Army.
Ipinapadala niya umano kay Samaniego ang mga impormasyon sa website ng kaniyang hinahack at saka gagawan ng article.
Nakatakda nmang ipatawag ng NBI si Samaniego para magpaliwanag sa mga alegasyon laban sa kaniya na una naman na niyang itinanggi.
Samantala, humingi naman ng patawad ang hacker kay Samaniego na kaniyang pinangalanan, maging kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa mga naging biktima ng kaniyang pag-hack sa mga website at sinabing pinagsisisihan niya ang kaniyang nagawa.
Sa panig naman ng paahayagan, nagsasagawa na rin sila ng kanilang sariling imbestigasyon at handa din silang makipagtulungan sa mga awtoridad kaugnay sa kaso.
Kinondena din ng MB ang anumang hindi awtorisadong pag-access sa infromation systems.