-- Advertisements --

Kanya-kanyang pagiging abala para sa last minute preparations ang mga mayroong papel sa 93rd Academy o mas kilala bilang Oscar Awards na gaganaping ngayong April 25 sa Los Angeles, o araw na ng Lunes (Manila time).

Una nang naiulat na magiging limitado lamang sa mga nominado, presenters at mga piling bisita, ang mga papayagang makadalo ng personal sa seremonya.

Ayon sa organizer ng Oscars, lahat ng mga pinayagang makapunta ay sasailalim sa coronavirus testing sa mismong gabi ng parangal na gaganapin sa Union Station sa Downtown Los Angeles.

Nabatid na nanguna ang pelikulang “Mank” sa may pinakamaraming nominasyon na mayroong 10, pangalawa ang “The Father” at sinundan na ng “Judas and the Black Messiah,” “Minari,” “Nomadland,” “Promising Young Woman,” “Sound of Metal,” at “The Trial of Chicago 7.”

Noong 2020, best picture ng Oscars ang black comedy thriller film na “Parasite” ng South Korea.

Tinalo nito ang mga bigatin ding contender gaya ng American epic crime film na “The Irishman,” drama film na “Marriage Story,” psychological thriller film na “Joker,” at epic war film na “1917.”