Isang araw bago ang Academy o mas kilala bilang Oscar Awards, abala sa kani-kanilang paghahanda partikular ang mga presentor at performers.
Nariyan din ang grupo ng mga trabahador na inilalatag na ang red carpet kung saan inaasahang magpapatalbugan ang mga A-list personalities sa kani-kanilang “ootd” o outfit of the day.
Una nang naiulat na matapos ang tatlong taon na walang host sa nasabing prestihiyosong awards ceremony, babandera ang trio ng babaeng comic actors na sina Amy Schumer, Regina Hall at Wanda Sykes ngayong 2022.
Usap-usapan din na “by threes” ang set ng mga magpi-perform.
Kabilang sa mga magbibigay kulay bilang performer para sa Oscars ay ang American pop diva na si Beyonce, American country music singer na si Reba McEntire, Billie Eilish and Finneas, at Colombian singer na si Sebastián Yatra.
Sa 94th Oscar Awards, balik sa Dolby Theater sa Los Angeles ang venue.
Noong nakaraang taon kasi sa kasagsagan pa ng global pandemic, idinaos ito sa Union station sa Downtown Los Angeles na may 170 limitadong bisita lamang. (USAToday)