Nailabas na ng pamahalaan ang 95.8% ng kabuuang budget ng Pilipinas para sa 2023, kasabay ng pagtatapos ng buwan ng Oktubre.
Ito ay batay sa report ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa naturang ahensya, umabot na sa P5.39 trillion ang nailabas mula sa P5.53 trillion na 2023 national budget ng Pilipinas.
Sa nailabas na pondo, P3.07 trillion dito ay naibigay sa ibat ibang sangay ng pamahalaan na kinabibilangan ng mga ahensya sa ilalim ng executive branch, kongreso, hudikatura, at iba pang constitutional office.
Maliban dito, nasa P1.47 trillion naman ang naibigay sa ilalim ng ‘automatic appropriations’ o mga taunang programa na pinaglalaanan ng pondo, kasama ang iba pang programang itinatakda ng batas.
Kinabibilangan ito ng life insurance premiums ng mga mahihirap na Pilipino, pension, national tax allotment, atbp.
Ikatlong napaglaanan ng pondo ay ang special purpose funds (SPFs) na may kabuuang P426.2 billion.
Ang naturang programa ay kinabibilangan naman ng mga alokasyon para sa mga LGUs, pondo para sa national disaster risk reduction and management, atbp.
Samantala, umaabot na lamang sa P234.9 billion ang hindi pa nailalabas na pondo, dalawang buwan bago tuluyang matapos ang 2023.