DAGUPAN CITY – Umabot sa 95 percent ang ibinigay na grado sa lungsod ng Dagupan ng validation team sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ukol sa pagtugon sa programa na road-clearing operation.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay city administrator Allan Dale Zarate, sinabi nitong maaring tumanggap ang lungsod ng sertipikasyon bilang pagkilala.
Nagtalaga aniya si City Mayor Mark Brian Lim ng isang task force road clearing and sidewalk recovery na nangasiwa para maalis ang mga bagay na nakakasagabal sa kalsada.
Hindi na umano bago sa mga Dagupeno ang side walk recovery dahil kahit noon pa sa panahon ni dating city mayor Benjie Lim ay naumpisahan na itong ipatupad.
Una rito batay sa DILG Memorandum 121 na pirmado ni Secretary Eduardo Año ay inaatasan ang lahat ng Provincial Governors, City at Municipal Mayors, Punong Barangays, mga pinuno ng local Sanggunian, DILG regional Director, at iba pa na tanggalin ang mga nakaharang sa mga kalsada at sidewalk batay na rin sa naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.