KALIBO, Aklan—Hindi na nagpaawat ang mga international cruise lines na isama sa kanilang destinasyon ang isla ng Boracay sa muling paglayag ng mga ito matapos ang pandemya.
Kasunod ito sa pagdating ng dalawang cruise ship sa Boracay sa loob ng isang lingo bago pa man matapos ang buwan ng Pebrero.
Ayon kay Mr. Nieven Maquirang, officer-in-charge of the Port Cruise Ship Operation and Special Project, ito ay resulta sa pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan; stakeholders at iba pang kinauukulan na ma-showcase ang Boracay bilang isa sa mga nangungunang destinasyon ng mga lumalayag na cruise vessels.
Kaugnay nito, unang dumating ang MV Norwegian Jewel lulan ang nasa 2,700 na mga pasahero kung saan, halos 95 porsyento o 2,527 sa mga ito ang bumaba sa barko at nagkaroon ng panahon na malibot ang tanyag na isla.
Samantala, muling bumalik ang MV Westerdam na may 1,900 na mga pasahero kung saan, 1,700 sa mga ito ang bumaba mula sa cruise ship at ninamnam ang puting buhangin at malakristal na tubig-dagat.
Dagdag pa ni Maquirang na sakay ng dalawang cruise ship ang mga European, American at Asian tourist kung saan, nakitaan ang mga ito ng magandang expression sa kanilang paglilibot sa Boracay.
Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy ang pagsidatingan ng mga bisita, turista at bakasyunista sa Boracay na nakadagdag sa libo-libong bilang ng tourist arrival bawat araw.