-- Advertisements --

Karagdagang 968 traditional jeepneys pa ang pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makabiyahe sa 15 ruta sa National Capital Region (NCR) sa oras na isailalim na general community quarantine (GCQ) status sa darating na Agosto 19, 2020.

Sa isang Facebook post, inanunsyo ng LTFRB na ipapatupad nila ang naunang plano para sa pagbabalik-operasyon ng mga PUJs sa Metro Manila sa ilalim ng GCQ.

Noong Hulyo 31, bago ibinalik ang NCR sa modified GCQ status sa loob ng 15 araw, kasunod ng apela ng health community, balak na ng LTFRB na dagdagan ang bilang ng mga PUJs na makabiyahe sa kalsada.

Pero naudlot ito matapos na bigyan daan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihinging “time out” ng medical community, dahilan kung bakit isinailalim ulit sa MECQ ang NCT at mga kalapit probinsya.

Base sa Memorandum Circular na isinantabi muna ng LTFRB, papayagan lamang na makabiyahe ulit iyong ng mga PUJs na nakakuha ng special permit o QR code.

Dapat ding sinusunod ang COVID-19 protocols at health measures na inilatag ng IATF, kabilang na ang pag-check sa body temperature, palagiang pagsuot ng face mask at social distancing.