LEGAZPI CITY – Naparalisa raw ang transportasyon ng hanggang sa 98% kahapon sa ikalawang araw ng tigil pasada ng mga transport group sa rehiyong Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Condor Piston Bicol Secretary General Ramon Rescovilla, halos lahat umano ng mga tsuper at operators ng mga pampublikong sasakyan ay nakilahok sa transport strike.
Panawagan ng grupo na huwag ng ituloy ang plano ng gobyerno na jeepney phaseout o pagtanggal sa mga lumang jeepney na edad 15 taon pataas.
Dahil sa transport strike, ilang klase sa rehiyon ang sinuspendi gayon rin ang pasok sa mga trabaho habang nagbigay naman ng libreng sakay ang lokal na gobyerno ng Legazpi na naghatid sa mga hindi na makabiyaheng pasahero.
Samantala, nanindigan ang Condor Piston na ipagpapatuloy pa ang pagsasagawa ng mga tigil pasada hanggang hindi umano dinidinig ang kanilang panawagan.