Ipinadeport ng Bureau of Immigration (BI) ang karagdagang 84 Chinese nationals kaugnay ng pinaigting na kampanya ng administrasyong Marcos laban sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ayon sa BI, ang mga ipinatapong banyaga ay isinakay sa isang Philippine Airlines flight patungong Beijing, China noong Huwebes (Abril 11) mula sa NAIA Terminal 1.
Ipinatupad ang deportation sa pakikipagtulungan ng Chinese Embassy, National Bureau of Investigation (NBI), at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Pahagay ni BI Commissioner Atty. Joel Anthony Viado na ipinapakita ng kanilang operasyon ang matibay nilang paninindigan sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipasara ang mga ilegal na POGO at paalisin ang mga dayuhang lumalabag sa ating mga batas sa imigrasyon.
Ayon sa BI, ang mga Tsino ay naaresto sa Tarlac, Cebu, at Parañaque, at lumabas sa imbestigasyon na sila ay walang dokumento o overstaying.
Babala ng BI, babantayan nila ang lahat ng dayuhang sangkot sa ilegal na operasyon, at hindi sila magdadalawang-isip na ipatupad ang batas.
Tiniyak ng ahensya na magpapatuloy ang mga hakbang upang linisin ang bansa mula sa dayuhang kriminalidad at mapanatili ang integridad ng mga pambansang hangganan. (report by Bombo Jai)