Sunod-sunod nang naglabas ng statement ang mga dating nagsilbing Philippine National Police(PNP) Chief kasunod ng impormasyong lumutang na isang dating hepe ng pambansang pulisya ang umano’y tumulong sa grupo ni Alice Guo na makalabas ng bansa.
Maliban sa pagtulong kina Guo, ang naturang heneral ay nasa ilalim pa umano ng payola ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Kabilang sa mga naglabas ng pahayag ay sina ding PGen. Oscar Albayalde, PGen. Rodolfo Azurin, at PGen. Benjamin Acorda Jr.
Ayon kay Albayalde, hindi niya kilala si Alice Guo at hindi niya kailanman na-encounter ang dating alkalde.
Hinamon naman ni Azurin ang Pagcor official na si Gen. Raul Villanueva na pangalanan ang kanyang tinutukoy na tumulong sa grupo ni Guo
Para naman kay Gen. Acorda Jr., nalagay sa alanganin ang pangalan ng mga dating PNP Chief. Hindi aniya ito patas sa dating humawak sa posisyon na wala namang kasalanan.
Batay sa naging unang pahayag ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, iimbestigahan ng pulisya ang katotohanan ng naging pahayag ni retired Gen. Villanueva.
Gayunpaman, kung wala umano itong katotohanan, kailangan ding panagutin ang dating heneral na kasalukuyan ngayong nagtatrabaho sa Pagcor.