-- Advertisements --

Hindi muna magtatakda si Senate Minority Leader Koko Pimentel ng pagdinig sa Senado hinggil sa war on drugs ng Duterte administrasyon. 

Ayon kay Pimentel, magkakasa lamang ng pagdinig sa oras na mabigyan na ng contempt powers ang Senate Blue Ribbon Subcommittee. 

Aniya, wala kasing kapangyarihan sa ngayon ang subcommittee na mag-isyu ng subpoena at arrest order sa mga tatatangging resource person na dumalo sa hearing. 

Dagdag pa ng minority leader, mag-iimbita lang din sila ng resource person na talagang may personal knowledge patungkol sa war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Samantala, matapos dumalo ni Dating Senador Antonio Trillanes sa Quad Committee Hearing ng Kamara, natanong din si Pimentel kung iimbitahan si Trillanes sa Senado. 

Kung maaari aniya ay magsumite muna ang dating senador ng isang affidavit na nagdedetalye ng kanyang magigig testimonya. 

Samantala, “looking forward” naman si Senadora Risa Hontiveros na makadalo si Trillanes sa pagdinig ng Senado hinggil sa war on drugs. 

Una rito, noong Oktubre 28, nagpalitan ng maaanghang na salita si Hontiveros at Duterte. 

Pinuna rin ni Hontiveros ang dating pangulo na huwag itong magmura sa mga pormal na pagdinig. 

Ang imbestigasyon din ng Blue Ribbon ng Senado ang unang congressional hearing hinggil sa madugong war on drugs ang dinaluhan ni Duterte.