-- Advertisements --

Naniniwala ang Department of Education (DepEd) na ang konsiderasyon na ibinibigay ng mga guro ay isa sa mga pangunahing rason kung bakit 99% porsyento ng mga mag-aaral ang pumasa sa first quarter ngayong school year.

Sa isang public briefing, sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na posibleng nagkaroon ng malaking papel ang konsiderasyon ng mga teachers kaya maraming mga estudyante ang nakapasa sa nakalipas na school quarter.

Sa kabila nito, iginiit ni San Antonio na hindi raw nito ibig sabihin na hindi lahat ng mga estudyanteng nakapasa ay nakakuha ng mataas na marka.

“At ang ginawa nga po natin ay ‘yung academic ease na binigyan nating diin baka mas kailangan na maging considerate tayo ngayon pero may naiwan pa rin ng 1%. Parang di naman [sila] nakipag cooperate sa kanilang mga teachers,” wika ni San Antonio.

Sa pagdinig sa Senado kamakailan, sinabi ni San Antonio na nasa 99.13% mula sa mahigit 14-milyong public school students ang nakakakuha ng pasadong marka sa first quarter ng school year 2020-2021.

Nasorpresa naman ang mga senador sa inilahad na datos ng DepEd gayong maraming mga naiuulat na problema tungkol sa distance learning set-up.

Nilinaw naman ni San Antonio na ang resulta ng passing rates noong Quarter One ay nanggaling mismo sa mga rehiyon, schools division offices, at sa mga paaralan.