KALIBO, Aklan — Tumanggap ng kanyang unang dose ng AstraZeneca vaccine ang 99-anyos na senior citizen sa Malay, Aklan na personal na nagtungo sa kanilang vaccination site.
Ayon sa Malay Municipal Health Office (MHO) ang naturang lola na residente ng Barangay Cubay Sur, Malay ang pinakamatanda nilang nabakunahang senior citizen at walang anumang naramdamang kakaibang epekto sa katawan.
Samantala, umarangkada na ngayong Miyerkoles ang pagbabakuna ng senior citizens laban sa COVID-19 sa isla ng Boracay.
Target na mabakunahan dito ang 134 na mga naka-rehistrong senior citizens at ilan pang natitirang mga frontline health services workers.
Bawal aniya ang mga walk-in na kliyente upang maiwasan ang siksikan sa vaccination site at masunod ang tamang proseso ng pagbabakuna.
Patuloy naman ang paghikayat ng LGU-Malay sa mga senior citizens sa isla na huwag nang magdalawang isip pa na magpabakuna para sa kanilang kaligtasan laban sa sakit na COVID-19.