-- Advertisements --

Nagpositibo sa COVID-19 antigen test ang ilan sa mga empleyado ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ito ay matapos na mapag-alaman na 99 sa 696 na mga manggagawang isinailalim sa antigen test ang nagpositibo sa nasabing nakamamatay na virus.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang mga indibidwal na may positibong resulta sa kanilang antigen test ay isasailalim sa RT-PCR swab test upang makumpirma ang resulta nito.

Samantala, ang naunang 696 na mga MRT-3 personnel na sumailalim sa nasabing test ay ang unang batch pa lamang ng mga empleyado ng nasabing railway at magpapatuloy pa ito sa natitirang mga araw ng linggo hanggang sa tuluyang matapos at maisailalim ang lahat dito.

Ang naturang hakbang ng pamunuan ng MRT-3 ay isinagawa bilang pagsunod sa inilabas na direktiba ni DOTr Secretary Arthur Tugade na isailalim sa antigen testing ang lahat ng mga manggagawa ng railway at random antigen testing naman sa mga magboboluntaryong mga pasahero nito upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero laban sa COVID-19 lalo na ngayong tumataas muli ang bilang ng mga kaso nito sa National Capital Region (NCR).