(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nanindigan ang ilang opsiyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging ang Philippine National Police (PNP) na sigurado silang napatay sa naganap na enguwentro ang itinuring na “last man standing” ng Maute-ISIS na umatake sa Marawi City, halos dalawang taon na ang nakalipas.
Una nang napaulat na kabilang umano si Benito Marahomsar alyas Abu Dar sa walong terorista na napatay ng militar nang mangyari ang engkuwentro sa bayan ng Pagayawan at Tubaran, Lanao del Sur noong nakaraang linggo.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Lanao del Sur provincial police office director S/Supt. Madzgani Mukaraam, inaantay na lamang nila ang resulta sa DNA matching sa specimen ni Abu Dar na isinailalim sa pagsusuri ng PNP at United States counterparts.
Inihayag ni Mukaraam na mismong si 103rd IB, Philippine Army commander Col. Romeo Brawner Jr. ang direktang mayroong alam sa pagkakakilanlan kay Abu Dar kaya kumbinsido sila na napatay ito sa engkuwentro.
Dagdag ng opisyal, kung ibabatay sa pisikal na anyo ang bangkay na narekober ng militar sa encounter site, tumugma raw ito sa katauhan ni Abu Dar.