Natanggap na ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 9,900 doses na Sputnik V vaccine component II kahapon, matapos ang dalawang buwang paghihintay.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP, The Deputy Chief for administration (TDCA) at ASCOTF Commander Lt Gen. Joselito Vera Cruz, sinabi nito alas-3:00 ng hapon kahapon, September 21 ng i-deliver sa kanila ng Department of Health (DOH), National Vaccination Operations Center (NVOC) ang Sputnik V vaccine na tinanggap ng PNP Health Service.
Ayon kay Vera Cruz, nagagalak at lubos na nagpapasalamat ang PNP sa NVOC sa pagdating ng mga nasabing bakuna dahil matuturukan na rin ng kanilang second dose ang mga nag-aabang na mga police personnel.
Giit ng Heneral, ngayong panahon mataas ang surge ng Delta variant mahalaga na maging fully vaccinated ang mga kapulisan.
” Kami sa PNP ay lubos na nagagalak at nagpapasalamat sa allocation ng 9,900 2nd dose ng Sputnik V vaccines mula sa NVOC sapagkat alam namin na ito ay magbibigay ng karagdagang proteksyon sa aming hanay na nauna nang nabigyan ng 1st dose ng Suptnik V vaccines. Sa panahon ng pananalanta ng Delta Variant sa ating bansa, malaking bagay sa ating mga kapulisan ang pagiging fully vaccinated upang maipatupad namin ang aming mga tungkulin ng walang anumang pasubali at pag-aalala,” mensahe ni Lt. Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Sinabi ng Heneral agad nila sisimulan ang vaccination ng Sputnik V vaccine second dose ngayong araw sa Camp Crame, Sept. 22.
Bukas, Sept. 23 naka-iskedyul ang vaccination sa PNP Aviation Security Group (AvSeGroup), September 24 naman sa PNP Special Action Force (SAF) at Sept. 27 naman sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Magugunita na nuong July 12, 2021 ng bigyan ng DOH ang PNP ng 9,900 doses ng Sputnik V vaccine first dose allocation kung saan karamihan sa mga naturukan ay sa National Headquarters sa Camp Crame.
” Ang pagbabakuna ng 2nd dose for Crame-based personnel ay magsisimula ngayon 8AM sa OR Complex ng PNP Health Service. Sa mga susunod na mga araw, yung mga personnel naman natin na assigned sa different units outside crame, ay babakunahan sa mga PNP vaccination sites sa kani-kanilang mga units na kung saan sila nabakunahan ng kanilang 1st dose,” dagdag pa ni Lt.Gen. Vera Cruz.
Sa kabilang dako, una ng tiniyak ni National Task Force For Covid 19 Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez na mababakunahan na ang mga naturukan ng unang dose ng Sputnik V vaccine.
Binigyang-diin ni Galvez na hindi na mauulit pa na magkaroon ng delay sa supply ng mga bakuna.
September 18, Sabado ng gabi, dumating sa NAIA Terminal 3 ang karagdagang 190,000 doses ng Sputnik V Component II COVID-19 vaccine at ito ay ipamamahagi sa Metro Manila, Bohol, Isabela, Bacoor City sa Cavite, Region 3 at Region 4-A.
Sinabi ni Galvez sa ngayon, tuloy-tuloy na dumarating ang mga bakuna at sa katapusan ng buwan ng Oktubre aabot na sa 100 million doses ng Covid-19 vaccine ang naideliver nasa bansa.
Samantala, nasa 95% na sa mga police personnel ang nabakunahan ng Covid-19 vaccine as of September 21,2021.
Batay sa datos ng PNP ASCOTF nasa kabuuang 316,691 doses ng Covid-19 vaccine ang na-administered sa PNP kung saan 137,699 o 61.82% ang fully vaccinated, nasa 75,573 o 33.94% ang nabakunahan ng first dose.
Sa ngayon nasa 9,449 o 4.24% ang ayaw pa rin magpa bakuna.
Sa nasabing bilang 1,586 dito ay may valid reason habang ang 7,863 ay walang ibinigay na rason.
Samantala, mahigit 50% na rin sa mga kapulisan sa ibat-ibang regional police offices sa buong bansa ang fully vaccinated.