-- Advertisements --

Nilinaw ni Senadora Risa Hontiveros na hindi ibabatay sa international standards ang comprehensive sexuality education na ituturo sa mga bata at sa halip ay magsisilbing gabay lamang.

Ipinangangamba at tinututulan kasi ng ilang grupo at senador ang probisyon sa bill na naka-angkla umano ang comprehensive sexuality education sa guidelines ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organizationo (UNESCO) at World Health Organization (WHO).

Paglilinaw ni Hontiveros, gagamiting gabay lang kung makakatulong sa kapakanan ng kabataan ang international standards at wala ring intensyon o obligasyon sa batas na gayahin ito.

Aniya, kung mayroong nakasaad na hindi akma sa konteksto at kultura ng Pilipinas ay hindi ito gagamitin.

Dagdag ng senadora, Department of Education (DepEd) pa rin, kasama ang mga kinauukulang ahensya ang magpapatupad ng CSE at hindi ang internation body.

Ngunit, dapat aniyang may konsultasyon pa rin sa iba’t ibang stakeholders.

Gayunpaman, sinabi ng senadora, kapakanan at proteksyon pa rin ng mga bata ang pangunahing layunin ng isinusulong niyang panukalang batas na bubusisiin na sa plenaryo ng Senado.

Una nang tinuligsa ni Hontiveros ang umano’y pag-atake at pagpapakakalat ng maling impormasyon ng Project Dalisay ukol sa Senate Bill 1979 o panukala na nagsusulong upang labanan ang teenage pregnancy sa bansa.

May petisyon ngayon ang Project Dalisay kung saan nangangalap sila ng suporta upang tutulan ang pagtuturo ng comprehensive sexuality education sa mga bata na anila banta sa societal, moral, at spiritual values.

Ayon kay Hontiveros, Lahat ng mga espekulasyon ay matutuldukan at mabibigyang linaw kung bubuksan na ang debate sa Adolescent Pregnancy Prevention Bill sa plenaryo.