Naging matagumpay ang paglalayag na isinagawa ng dalawang barkong pandigma ng Pilipinas sa karagatang sakop ng Nortern Luzon.
Ayon sa Northern Luzon Naval Command (NLNC), naglayag ang BRP Nestor Reinoso at BRP Heracleo Alano mula sa northwestern seabord ng Pilipinas hanggang sa karagatang sakop ng Batanes.
Ang naturang paglalayag ay bahagi ng Maritime and Sovereignty Patrol ng Philippine Navy kung saan tinungo ng mga ito ang mga strategic waters ng Basco, Itbayat, at iba pang lugar sa pinaka-hilagang probinsya ng Pilipinas.
Ito ang unang matagumpay na pagpapatrolya ng mga barkong pandigma ng Pilipinas sa mga naturang lugar matapos ang ilang dekadang hindi ito nagawa ng bansa.
Ayon sa Phil. Navy, maliban sa pagpapatrolya sa mga karagatan, dumaong din ang dalawang barkong pandigma sa ilang mga pantalan upang makipag-ugnayan sa local communities sa hilagang Luzon.
Giit ng PN, ang matagumpay na paglalayag ng dalawang warship ay nagpapakita ng kakayahan ng hukbo na protektahan ang mga karagatan ng Pilipinas at tugunan ang mga maritime challenge sa buong bansa.
Tiniyak naman ng Northern Luzon Command ang tuloy-tuloy nitong pagsasagawa ng maritime patrol sa area of operations nito, upang maprotektahan at mabantayan ang mga karagatan ng bansa.