Ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) na may hawak na silang ebidensya laban sa Vertex Technologies, ang kumpanya na subject ng kanilang operasyon noong salakayin ng awtoridad ang 23rd floor ng Century Peak Tower sa Manila.
Una nang sinabi ng pulisya na ang Vertex Technologies ay isang scam hub na nagpalit lang ng pangalan.
Ayon kay PNP PIO & Spokesperson PBGen Jean Fajardo, sa patuloy na ginagawang forensic examination sa mga nasamsam na kagamitan sa mga ito, nadiskubre nilang sangkot nga sa love scam at cryptocurrency scam ang naturang kumpanya na tugma naman sa hawak nilang warrant na isinilbi ng Anti-Cybercrime Group noong Oktubre 29. Ayon pa kay Fajardo, lumalabag ito sa securities regulation code.
Sa ngayon, ayon kay Fajardo, nag-aantay nalang sila na matapos ang forensic examination sa mga equipment para makapagsampa na ng kaso laban sa mga operators at board of directors’ ng naturang kumpanya.