Nagkasundo ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang Japan International Cooperation Agency (JICA) na ituloy ang kanilang pakikipagtulungan sa proyekto ng Credit Risk Database (CRD) na naglalayong palawakin ang pag-access sa pagpopondo para sa mga small and medium enterprises (SMEs).
Sa isang seremonya ipinakita ni BSP Governor Eli Remolona, Jr. at Chief Representative ng JICA Philippines Office Sakamoto Takema ang nilagdaang ‘Records of Discussion’ para sa ikalawang yugto ng proyekto ng CRD.
Pinagtibay ng dokumento ang kasunduan sa pagitan ng BSP at JICA na ilipat ang CRD sa permanenteng operasyon, buksan ang mga bagong serbisyo, at itakda ang susunod na plan of action para sa proyekto.
Ang CRD ay bumubuo ng isang credit score na magagamit ng mga institusyong pampinansyal upang sukatin ang kakayahan ng mga SMEs na magbayad ng mga pautang.
Pinapalawak nito ang access sa pagpopondo habang pino-promote ang risk-based lending na nagpapababa ng pagdepende sa collateral para maaprubahan ang mga pautang.
Sinimulan ng BSP at JICA ang pagbuo ng CRD noong 2020.
Sa unang yugto ng proyekto, kanilang binuo ang SME database at isang credit-scoring model at tool. Noong Oktubre 2023, sinimulan nila ang pag-deploy ng credit-scoring tool sa mga institusyong pampinansyal na kalahok sa proyekto ng CRD.
Ang mga financial institutions na nakibahagi sa programa ay ang malalaking bangko sa bansa, katuwang ang Queen City Development Bank, Inc. na nakahanay naman sa thrift banks at maging ang ilang maliliit na business Corporations.