-- Advertisements --

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babaeng Vietnamese National, na kinilala bilang si Trinh Thi Kieu Nguyen na kilala rin bilang ‘Dr. Rosa’, dahil sa umano’y ilegal na pagpapalakad ng isang beauty clinic sa Mandaluyong City.

Nahuli siya sa isang entrapment operation noong Enero 8, 2025, sa mismong beauty clinic nito matapos tanggapin ang halagang P16,000 mula sa mga undercover agents bilang bayad para sa isang Botox procedure at nano filler sa baba.

Nakumpiska ng NBI ang mga marked money at iba’t ibang medikal na kagamitan mula sa kanya.

Nahaharap si Nguyen sa mga kasong ilegal na pagpraktis ng medisina alinsunod sa Republic Act No. 2382, o ang Medical Act of 1959.

Hinihiling din ng NBI sa Bureau of Immigration na suriin ang status ng kanyang pananatili sa bansa. Ang operasyon ay nag-ugat mula sa isang impormasyon mula sa isang confidential informant at nakumpirma na nag-aalok si Nguyen ng iba’t ibang kosmetikong operasyon tulad ng eyelid surgery at vaginal tightening sa naturang klinika nito.