-- Advertisements --

Tinuligsa ni Senadora Risa Hontiveros ang umano’y pag-atake at pagpapakakalat ng maling impormasyon ng Project Dalisay ukol sa Senate Bill 1979 o panukala na nagsusulong upang labanan ang teenage pregnancy sa bansa. 

May petisyon ngayon ang Project Dalisay kung saan nangangalap sila ng suporta upang tutulan ang pagtuturo ng comprehensive sexuality education sa mga bata na anila banta sa societal, moral, at spiritual values.

Sa pulong balitaan, nagulat at nagalit si Hontiveros, may akda ng panukala, sa mga kasinungalingan umano na kumakalat laban sa bill. 

Nilinaw ni Hontiveros na walang anumang probisyon sa panukalang batas tungkol sa pagtuturo o paghimok ng kalaswaan sa mga bata. 

Kumpiyansa ang senadora na walang anumang basehan ang mga mapangahas na pahayag ng naturang samahan. 

Giit nito, may national emergency na ukol sa maagang pagbubuntis, ay inatupag pa ng organisasyon ang pananakot sa mga Pilipino. 

Ang Senate bill 1979 o ang panukalang prevention of adolescent pregnancy act ay layong ituro ang comprehensive sex education sa mga paaralan kung saan tatalakayin na sa plenaryo ng Senado. 

Inaatasan din nito ang Department of Education (DepEd) na bumuo at mag-promote ng educational standards, modules at mga materials upang isulpong ang comprehensive sex education sa paaralan, komunidad at youth institutions. 

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, noong 2022 nasa 3,135 na mga edad kinse pababa ang nabuntis na tumaas sa 3,343 noong 2023. 

Lumitaw din na 72 percent ng mga nakabuntis sa mga 15 anyos pababa ay mas matandang lalaki.