-- Advertisements --
Anthony davis lakers vs pelicans
Los Angeles Lakers Anthony Davis (photo from @Lakers)

Walang patawad si Anthony Davis sa kanyang inilaro laban sa dating team na
New Orleans Pelicans nang magtala siya ng 46 big points at 13 rebounds.

Hindi pinaporma ng Los Angeles Lakers ang Pelicans para ibaon sa score na 123-113.

Ito na ang ikalimang 40-point game ngayong season ni Davis at ikalawa niya laban sa dati niyang team na pitong season din siyang naging bahagi mula taong 2012.

Para kay Davis sa pakiramdam niya ay ordinaryo lamang daw ang rematch nila hindi katulad sa unang harapan noong Nov. 27 kung saan tinalo din nila ang New Orleans.

Aminado naman si Davis na tinulungan siya ng husto ng kanyang mga teammate upang makagawa ng big game.

Ito rin ang pananaw ng kanilang coach na si Frank Vogel na mistulang napuwersa nila si Davis na nagresponde naman na magpakita ng all around game.

Mala-halimaw kasi ang ipinakitang sizzling performance ni Davis na may 15-of-21 mula sa field, 3-of-5 sa three point arfea at perfect 13-of-13 sa foul line.

Tumulong naman sa ika-28 panalo ng Lakers (28-7) si Danny Green na may 25 points at si LeBron James na nagpakita ng 17 points at 15 assists.

Sa ngayon ang Lakers ay nanalo na ng apat na sunod matapos ang apat na beses ding losing streak.

Maging si James na tumipon kaagad ng walong assists sa first quarter ay sinaluduhan din ang “great performance” ni Davis.

Napantayan naman ni LeBron ang record ni Kobe Bryant sa laro laban sa Cavs noon pang Jan. 15, 2015 na may nagawang maraming assists sa first quarter.

Ang dalawang dating Lakers na sina Lonzo Ball at Brandon Ingram ay nanguna naman sa New Orleans sa kanilang pagbabalik din sa Staples Center.

Nagtapos si Ball ng team-high na 23 points at si Ingram ay may 22.

Nagawang maputol ng Lakes ang four-game winning streak ng Pelicans (11-24).

Samantala susunod na makakalaban ng Pelicans sa Linggo ay ang Sacramento.

Habang host naman ang Lakers sa Detroit sa game sa Lunes.