NAGA CITY – Huli na umano ang desisyon ni Hong Kong Chief Executive Carrie Lam sa pag-withdraw sa Extradition Bill.
Ito umano ang naging komento ngayon ng karamihan sa mga residente sa Hong Kong base nakuhang report ni Bombo international correspondent Ricky Sadiosa.
Ayon kay Sadiosa, nanindigan daw ang mga residente sa lungsod na marami na ang nasaktan sa magkakasunod na kilos-protesta habang naapektuhan na rin ang negosyo sa bansa.
Naniniwala naman ang iba na biglaang nagdesisyon si Lam para kumalma na ang mga tao lalo na at nalalapit na ang eleksyon sa Hong Kong.
Nabatid na kahapon nang biglang nagpatawag ng pagtitipon si Lam sa mga lawmakers kung saan napag-usapan ang opisyal na pag-withdraw sa extradition bill.
Habang tiniyak naman nito na tutugunan ng independent police inquiry sa tulong ng Judiciary ang lahat ng mga nangyaring pang-aabuso sa gitna ng kilos protesta.
Maliban dito, napag-usapan din umano ang mag hinaing ng tao gaya ng housing problems at economic issues.
Sa kabila nito, nanindigan aniya ang mga raliyesta na magpapatuloy sa pagmartsa kung hindi maibibigay ang lahat ng demand ng mga tao sa pamahalaan.