Nasa P1.7 billion na halaga na ang agricultural losses sa pananalasa ng bagyong Maring kung saan libu-libong mga magsasaka at mangingisda ang nawalan ng trabaho.
Ayon sa Department of Agriculture (DA) basi sa disaster monitoring, umabot na sa P1.74 billion ang agricultural damage na may volume of production loss na 91,422 metric tons.
Kabuuang 68,137 hectares ng agricultural areas ang apektado mula sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, at Soccsksargen.
Sa isang public hearing naman sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista na nasa 42,000 mangingisda at magsasaka ang naapektuhan ng pagkasira ng agrikultura.
Dahil dito, nagbabala ang ahensiya na asahan ang pagtaas ng presyo ng mga gulay sa National Capital Region dahil sa agricultural losses.
Naghahanap na rin ang ahensya ng mga kahaliling rehiyon upang mapagkukunan ng mga produktong agrikultura at maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga ito.