Kanya-kanya ng depensa ang ilang cabinet members ng Pangulong Rodrigo Duterte sa ginagawang pagpapaganda sa Manila Bay gamit ang artificial white sand.
Ginawa ng mga ito ang pahayag kasabay nang pakikibahagi sa taunang International Coastal Clean-up Drive sa Roxas Blvd., Maynila.
Binuweltahan ni Environment Secretary Roy Cimatu ang mga kritiko at mga namumulitika sa Manila Bay nourishment project.
Aniya, hindi niya ipapatigil ang paggamit ng white sand sa rehabilitasyon dahil dumaan daw ito sa pag-aaral ng mga eksperto.
Hindi rin daw health hazards ang dolomite boulders.
Tiniyak naman nina MMDA chairman Danny Lim, DSWD Sec. Rolando Butista, CHEd chairman Prospero Devera na all out support sila sa clean up drive at rehabilitasyon ng Manila Bay.
Binigyang diin naman ni Agriculture Sec. William Dar, na hindi ang synthetic white sand ang dahilan ng fish kill sa bahagi ng Baseco, Tondo, Maynila kundi bunsod ng dumi o pulosyon sa dagat.
Sinabi naman ni Labor Sec. Silvestre Bello III sa Bombo Radyo, malaki na ang ipinagbago ng Manila Bay na dati ay amoy burak.
Hindi raw akalain niya na sa kanyang tanang buhay ay magkakaroon ng puting buhangin sa coastal area ng Manila Bay.
Para naman kay DILG Usec. Epimaco Densing, ang nakikita raw na pagbabago sa Manila Bay ang siyang ehemplo sa tamang hakbang ng gobyerno.
Kaugnay nito, todo pasalamat si Manila Mayor Isko Moreno sa pagtugon ng national government sa matagal ng suliranin.
Ukol naman sa mga kritiko, sinabi ni Moreno na unang tututol ang lungsod niya kung makakasira sa kalusugan at kapaligiran ang itinambak na white sand mula sa dinurog na dolomite boulders.
Samantala sa dakong hapon ng Sabado napansin naman ng Bombo Radyo na tuloy-tuloy pa rin ang pagpila ng mga tao na ang iba ay nakikiuso rin at nagpapakuha ng larawan sa kontrobersiyal na white sand.
Dahil sa pagbuhos ng mga tao hindi na halos nasusunod ang physical distancing.
Ang pagbubukas sa publiko sa Manila Bay white sand ay hanggang ngayong araw lamang ng Linggo ng hapon.