CAUAYAN CITY – Nagkukulang na umano ng mga relief goods, fuel at bottled water para sa mga biktima ng lindol dahil isang linggo ng walang biyahe ang mga bangka patungong Itbayat, Batanes na maghahatid ng tulong.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) officer Roldan Esdicul, patuloy pa rin nilang nararanasan ang sama ng panahon kaya kanselado pa rin ang biyahe ng mga bangka dahil sa epekto ng hanging habagat.
Aniya, pinagkakasya na lamang nila ngayon ang natitirang relief goods, at kulang na rin ang fuel para sa power supply.
Umaasa sila na huhupa na ang habagat para maibyahe na ang relief goods na kailangan ng mga biktima ng lindol at karagdagang tent para sa mga estudyante sa Itbayat dahil sa ngayon high school student pa lamang ang may klase dahil kulang ang tents.
Sinasabing hindi na maari pang gamitin ang kanilang paaralan matapos itong sirain ng malakas na lindol.