Iloilo City- Tiniyak ng Energy Regulatory Commission na isang electric power provider lang ang bibigyan ng prangkisa, upang makapag-operate sa lungsod ng Iloilo.
Ito ay kasunod ng pagsumite ng Energy Regulatory Commission ng dated list ng assets ng Panay Electric Company (PECO) sa Branch 35 ng Regional Trial Court sa Ramon Avancena Hall of Justice.
Kaugnay ito sa nagpapatuloy na expropriation case na isinampa ng More Electric and Power Corporation (More Power) upang makuha ang lahat ng assets ng PECO na kinabibilangan ng mga linya, softwares at mga pasilidad.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Arjay Louie B. Cuanan ng Office of the General Counsel ng Energy Regulatory Commission, sinabi nito na ang distribution business ay isang natural monopoly kung saan mas makabubuti na isa lang ang distribution utility o electric power provider na mabibigyan ng prangkisa.
Nakadepende naman ayon sa kanya kung gaano katagal ang kaso at nararapat na hintayin nalang ang magiging resolusyon ng korte kung papagayan ang pag-expropriate ng More Electric and Power Corporation ng assets ng Panay Electric Company.
Napag-alaman na mismo si Hon. Judge Daniel Antonio Gerardo S. Amular, presiding judge ng Branch 35 ng Regional Trial Court ang humiling sa Energy Regulatory Commission na magsumite ng nasabing mga dokumento upang malaman ang mga assets na para sa distribution system na gagamitin sa oras na may mangyaring expropriation.