-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Pinabulaanan ng hepe ng Batuan Municipal Police sa Masbate na walang katotohanan ang mga lumabas na report na may tatlong barangay sa bayan na umano’y pinaputukan noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Maj. Rustom Dela Torre, tanging natanggap nilang ulat mula sa Barangay Mabuhay ang pag-turn over ng isang concerned citizen sa basyo ng M16 na umano’y pinaputok sa lugar.

Wala rin aniyang nakakita sa insidente kaya’t hindi pa matukoy ang nasa likod nito.

Ayon sa hepe, ihahain ang nakuhang basyo sa crime laboratory office para sa isasagawang cross matching lalo pa’t may naitala ring kaugnay na insidente sa kalapit na barangay.

Sinabi ni Dela Torre na posibleng makatulong ito sa iba pang mga kaso upang makasuhan na ang responsable.

Tiniyak ng opisyal na tuloy-tuloy ang pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines, intelligence units at iba pang law enforcement agencies para sa monitoring sa lugar kaugnay ng nalalapit na halalan.