Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na kanilang tututukan sa susunod na taon ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines.
Ginawa ng AFP ang pahayag matapos na mabigyan ng Kamara ng ₱50-bilyong pisong alokasyon ang naturang programa.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ang nasabing halaga ng alokasyon ay mas mataas ng P10 billion pesos kumpara sa budget na inilaan noong nakalipas na taon.
Aniya, patunay lamang ito na pagnanais ng gobyerno na bigyang halaga ang pagpapalakas ng depensa ng bansa.
Dahil dito, makakapag angkat na ang AFP ng mga makabagong teknolohiya sa pagpapahusay ng kanilang kapabilidad sa mga ikinakasang operasyon sa dagat, lupa at himpapawid.
Mapalalakas rin nito ang pagtugon ng AFP sa mga bantang panseguridad ng Pilipinas.
Siniguro rin ng AFP na magiging maingat sila sa paggastos ng naturang pondo at tiniyak na ito ay magagamit upang makamit ang epektibong depensa ng bansa.