-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sinimulan na ng city government ng Kidapawan ang vaccination roll out para sa mga indibidwal na nasa ilalim ng A.4 Category o mga essential economic frontliners sa lungsod.

Kinabibilangan ito ng mga nagtitinda at namamasukan sa mga business establishments na pinapayagang magbukas ng pamahalaan sa kabila ng COVID-19 pandemic.

Aabot sa 75 na mga tricycle drivers ang nabakunahan ng kanilang first dose ng Sinovac sa City Health Complex.

Ito ay ayon kay Jabby Omandac, presidente ng Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association (FKITA) kasabay ng kanyang pasasalamat sa city government sa pagkakataong mabakunahan ang mga tsuper ng unang dose ng Sinovac bilang proteksyon sa komplikasyon ng COVID-19 habang namamasada.

Bago pa man ang pagbabakuna, una nang nanawagan si City Mayor Joseph Evangelista sa lahat ng mga nasa ilalim ng A.4 category lalo na ‘yaong mga tsuper ng tricycle at public utility vehicles at mga nagtitinda sa mega market na magpalista sa kani-kanilang mga asosasyon para makakuha ng schedule at mabigyan ng anti-COVID-19 vaccines.

Kasali din mababakunahan ang mga driver ng tricycle na hindi miyembro ng anumang asosasyon bastaโ€™t legal na bumibyahe at hindi kolorum, ayon pa kay Omandac.

Hinimok niya ang mga ito na makipagkita sa kanya para magpalista.

Samantala, pinapayuhan naman ang mga nagtitinda sa iba pang essential establishments na magpalista sa kanilang mga BHERT o di kaya ay sumangguni sa City Health Office sa cellphone number 0946-921-9220 (Smart) at 0997-169-0348 (Globe).

Bagama’t nakatanggap na ng unang dose, hindi pa rin dapat magpakampante ang mga nabakunahan, ayon naman sa CHO.

Dapat pa ring sumunod sa mga itinakdang minimum health standards gaya ng pagsusuotn ng face mask at face shields, physical distancing, disinfection at iwasan ang social gathering para maiwasan na magka Covid19 at makahawa ng mga miyembro ng pamilya sa loob ng tahanan o sa pinagtatrabahuan.