Umabot na sa mahigit P10 bilyon ang pinagsamang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura dulot ng Bagyong Egay at Falcon pati na ang habagat.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pinsala sa agrikultura ay nasa P4.45 bilyon at sa imprastraktura ay nasa P5.81 bilyon.
Apektado rin umano ng kamakailang weather disturbances ang kabuuang 1,224,219 na pamilya o 4,555,227 katao na naninirahan sa 5,334 barangay sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao region, Soccsksargen , Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Cordillera region, at National Capital Region.
Sinabi rin ng ahensya na nasa 7,237 pamilya o 25,702 indibidwal ang nasa 352 evacuation centers habang 21,043 pamilya o 80,908 katao ang tumatanggap ng tulong sa labas ng evacuation centers.
Sinabi ng Office of Civil Defense na ang mga apektadong pamilya ay kumbinasyon ng mga lumikas at mga hindi nangangailangan ng pagpapaalis sa kanilang tirahan ngunit naapektuhan ang mga kabuhayan.
Dagdag dito, ang bilang ng mga namatay ay umabot sa 30, apat sa kanila ang nakumpirma na.
Sa ngayon, sumasailalim pa sa validation ang mga ulat ng 10 nawawalang katao.