LEGAZPI CITY – Pumalo na sa halos 11,000 pamilya o 43,362 inidibidwal ang inilikas dahil sa bagyong Tisoy.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi mula sa Office of Civil Defense (OCD) Bicol, mula ang mga ito sa 84 barangays ng apat na lalawigan sa Bicol.
Kabilang sa isinailalim sa evacuation ang siyam na barangay sa Vinzons, Jose Panganiban, Basud at Mercedes sa Camarines Norte; Sagñay, Cabusao, Minalabac, Caramoan, Garchitorena, Siruma, Tigaon, Tinambac at Buhi sa Camarines Sur; Daraga sa Albay at isa pang barangay sa Masbate.
Samantala, inaasahang madaragdagan ang naturang bilang sa mga susunod na oras dahil pinalilikas na rin mula bukas ng umaga ang iba pang nananatili sa risk areas sa ibang bayan at lalawigan sa Bicol.
Nananatili ang mga ito sa 76 na evacuation centers habang ang ilan ay nakikipisan naman sa mga pribadong bahay na ligtas sa mga banta ng pagbaha, pagguho ng lupa, lahar at iba pang posibleng sakuna.
Patuloy naman ang abiso ng ahensya na makinig sa anunsyo ng pre-emptive evacuation lalo na’t kaligtasan lamang ng mga ito ang isinasaalang-alang.