-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagmamakaawa na ang aabot sa 300 residente ng Masbate na stranded ngayon sa pantalan ng Pioduran, Albay, na payagan nang makauwi sa island province.

Dahil kasi sa umiiral na Executive Order 26 ni Gov. Antonio Kho, tatanggapin lamang ang mga ito kung fully vaccinated na 15 araw bago ang biyahe at may kaukulang koordinasyon sa bayan o lungsod na uuwian.

Emosyunal na ibinahagi ni Rheena Rose Gallego sa Bombo Radyo Legazpi na paubos na ang kanilang pera sa apat na araw nang pananatili sa pantalan.

Gagamitin sana ito sa pag-aasikaso sa libing ng kamag-anak sa bayan ng Milagros subalit ginastos na sa pagkain.

Pangamba pa nito na mahawaan rin ng sakit ang apat na batang kasama dahil ilan ay may mga ubo at sipon na.

Bukod kasi sa mga matatanda, may mga bata at buntis rin ang nagtitiis sa matinding init kung araw habang binaha pa sa malakas na pag-ulan kagabi.

Hindi rin aniya malabong mangyari na marami ang magpositibo sakaling isailalim sila sa antigen test lalo na’t siksikan na at tanging karton lamang ang hinihigaan.