-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pumalo na sa 385 na pasahero ang stranded sa pantalan ng Matnog sa Sorsogon mula nang magtaas ng storm signal dahil sa Bagyong Dante.

Sa tala mula sa Coast Guard Station sa Sorsogon, 72 na rin ang mga trucks na pinigilang bumiyahe at karamihan sa mga ito ay nakaparada sa highway, maging ang walong bus at 27 light vehicles.

Nakadaong lang din sa ligtas na lugar ang dalawang barko sa pantalan ng Castilla na hindi na binigyan ng schedule sa pagbiyahe.

Panawagan naman ni Matnog Port Manager Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ipagpaliban na muna ng iba pa ang nakatakdang biyahe lalo na ang mga patungo sa Visayas at Mindanao.

Hindi rin kasi makakatawid ang mga ito habang may umiiral na sama ng panahon.

Kagabi pa nagbaba ang Land Transportation Office (LTO) Bicol sa pansamantalang suspension ng biyahe ng mga rolling cargoes bilang pagtugon sa hiling ng Office of the Civil Defense Bicol upang mabawasan ang congestion ng mga sasakyan sa national highway.