(Update) BACOLOD CITY – Nakauwi na ang daan-daang mga residente sa Canlaon City, Negros Oriental na napilitang lumikas dahil sa takot na muling magsagawa ng operasyon ang mga pulis na maaaring magresulta sa pagkamatay ng mga subject ng search warrant.
Sa interview ng Bombo Radyo kay Canlaon City Mayor Jimmy Jayme Clerigo, kinumpirma nitong kumalma na ang residente sa mga barangay ng Aquino, Bayoc at Binalbagan na minabuting manatili sa mga eskwelahan dahil sa trauma hanggang nitong Miyerkules.
Nabatid na sa 14 na namatay sa simultaneous police operation sa Negros Oriental Sabado ng madaling-araw, walo rito ang mula sa Canlaon.
Mismong alkalde ang pumunta sa evacuation center upang kumbinsihin ang mga residente na umuwi na dahil tapos na ang police operation at kailangan nilang bumalik sa normal na buhay.
Sa kabila nito, hustisya pa rin ang panawagan ng pamilya ng walong mga namatay dahil handa naman umano ang mga ito na sumuko sa mga pulis.
Hindi pa malinaw kung totoong nauugnay ang mga ito sa New People’s Army, base sa unang pahayag ng Police Regional Office 7.