Posibleng pumalo sa all-time high na 4.7 million metrikong tonelada ang aangkating bigas sa pagtatapos ng taon ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ito ay para matugunan ang epekto ng mga tumamang kalamidad sa lokal na produksiyon ng palay sa bansa.
Sa datos ng Bureau of Plant Industry (BPI) noong Dec. 12, umabot na sa 4.48 million metric tons ang aktwal na import arrivals.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, sinabi ni Sec. Francisco Laurel Jr. na ito ang pinaka-depressing na taon para sa sektor ng agrikultura dahil sa napakaraming kalamidad na tumama sa bansa gaya ng mga serye ng mga bagyo, El Niño at La Niña phenomenon at sakit.
Tinataya naman ng Rice Program ng DA na nasa 19.3 million MT ang palay production ngayong taon na bahagyang mababa mula sa 20.06 million MT na palay output noong 2023.
Kayat, ayon kay ASec. De Mesa, magbibigay ng sapat na rice stocks ang tinatayang volume ng aangkating bigas hanggang sa susunod na anihan.