-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Bagsak pa rin ang abaca fiber production sa lalawigan ng Catanduanes mahigit isang taon matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Rolly.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fiber Industry Development Authority (FIDA) Catanduanes Head Bert Lusuegro umaabot na lang sa 11,000 metriko tonelada ang annual production ng abaca fiber sa island province noong 2021.

Dati kasi ay umaabot ito sa 22,000 hanggang 23,000 metriko tonelada, subalit dahil sa dumaang mga bagyo umabot na lang sa halos kalahati ang annual production.

Ayon kay Lusuegro, kahit taon na ang nakakalipas hindi pa rin nakakabangon ang abaca industry sa lalawigan dahil sa kakulangan ng suporta.

Nakadagdag pa rito ang pagpapalit ng disenyo ng Philippine banknotes kung saan polymer o plastic na ang gagamitin sa paggawa ng pera mula sa dating abaca-cotton simula ngayong 2022.

Mayroon rin aniya na ida-download na P70 million sa provincial government ng Catanduanes para sa abaca rehabiliation, subalit kulang na kulang itor sa 13,777 na abaca farmers ng lalawigan.

Sa kabila nito, hindi pa rin nawawalan ng pagasa si Lusuegro na makabangon ang abaca industry sa lalawigan sa loob ng dalawang taon.