-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Personal na binisita ni DILG Secretary Benhur Abalos at PNP chief Gen Rodolfo Azurin Jr. ang burol ni Ampatuan chief of police Lt. Reynaldo Samson at binigyan ng Medalya ng Kadakilaan.

Kasama ng mga ito si Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu.

Personal ding kinumusta ng mga opisyales ang mga nasugatang pulis na sina Senior Master Sergeant Reynante Quinalayo, Corporals Rogelio dela Cuesta at Marc Clint Dayaday.

Binigyan naman ang mga ito ng Medalya ng Kadakilaan at Medalya ng Sugatang Magiting.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Gensan kay Maj. Regie Albellera, PIO-PNP Maguindanao, sinabi nito na malaking kawalan si Lt. Samson sa hanay ng PNP na inilarawan nitong “workaholic” at hindi matatawaran ang dedikasyon sa kanyang trabaho.

Matatandaan na noong alas-10:00 ng umaga noong nakaraang mga araw nang inambus ang limang pulis na sanhi na pagkasawi ng dalawa at tatlo ang sugatan.