Pormal nang nagbitiw sa kanyang panunungkulan si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos ngayong araw.
Sa isang press conference ay inanunsyo ni Abalos ang kanyang resignation bilang kinatawan ng MMDA at inihayag ang kanyang kadahilanan sa likod nito.
Ani Abalos, plano niyang ilaan ang kanyang buong oras sa kanyang tungkulin bilang national campaign manager ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya namang tatakbo sa pagkapangulo sa darating na 2022 elections.
Kinakailangan kasi daw niyang ituon ang lahat ng kanyang oras para sa pangangampanya sa pagtakbo ng dating senador lalo na ngayong papalapit na ang panahon ng kampanya.
“The campaign period is fast approaching and I would need to devote my time to Senator Bongbong Marcos’ campaign as his national campaign manager. While I am extremely saddened by this, I wish the agency success in its every program, project, and initiative for the betterment of the metropolis,” sabi ni Abalos.
Samantala, itinalaga naman ni Abalos bilang officer-in-charge ng kagawaran si incumbent MMDA General Manager Romando Artes habang hinihintay ang appointment ng Malacanang para sa susunod na manunungkulan bilang MMDA chairman.
Nagpasalamat naman si Abalos kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagtitiwala nito sa kanyang kakayahan na pamunuan ang MMDA.
Bukas, February 8, nakatakdang magsimula ang campaign period para sa mga kumakandidato para sa national election at mga party-list group sa Pilipinas.
Magugunita na noong Enero 2021, pinalitan ni Abalos si dating MMDA chairman Danilo “Danny” Lim, na pumanaw matapos na tamaan ng malubhang sakit na COVID-19.