Naghain ng counter-affidavit si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary at kasalukuyang Senatorial aspirant Benhur Abalos Jr. sa Department of Justice (DOJ) ngayong araw ng Biyernes, Nobiyembre 22 para hilingin na ibasura ang mga kasong criminal at administrative complaints na inihain laban sa kaniya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa sinumpaang pahayag ni Abalos, sinabi niyang walang basehan ang mga charges laban sa kaniya at malinaw na politically motivated umano na layuning i-harass siya, dungisan ang kaniyang pangalan at batikusin ang kaniyang karakter.
Aniya, nabigo ang complainant na si dating Pangulong Duterte na patunayan ang kaniyang claim na aware siya o may alam siya sa mga nangyari sa umano’y ginawa sa mga miyembro ng KOJC. Samakatuwid aniya, hindi siya criminally liable sa ilalim ng doktrina ng command responsibility dahil lamang sa siya ay tumatayo noong kalihim ng DILG nang makagawa umano ng mga paglabag ang miyembro ng kapulisan sa ikinasang police operation sa naturang KOJC compound sa Davao city.
Nag-ugat ang inihaing reklamo ng dating Pangulo laban kay Abalos sa ikinasang mahigit 2 linggong police operation noong Agosto 24 hanggang Setyembre 8 para isilbi ang arrest warrant noon laban kay KOJC founder Pastor Apollo Quiboloy.
Sa kasagsagan ng operasyon, hinukay ang isang underground tunnel sa basement ng isa sa mga istruktura sa loob ng compound.
Bilang administrator ng ari-arian ng KOJC, naghain naman si dating Pang. Duterte ng malicious mischief complaint kaugnay sa pagsira sa naturang property ng sekta.