Muling tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na patuloy nilang tutugisin ang puganteng Pastor na si Apollo Quiboloy at maging ang pinatalsik na mayor ng Bamban na si Alice Guo para papanagutin sa batas.
Ginawa ng kalihim ang naturang pahayag sa harap ng mga mambabatas bilang tugon sa interpelasyon ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel .
Natanong kasi ng mambabatas kung bakit hirap ang mga awtoridad na mahuli ang naturang mga malalaking indibidwal ngunit kabaliktaran ito sa mga maliliit na tao lamang .
Punto ng kalihim, malaking personalidad man o maliit ay hindi nila sasantuhin at ito ay kanilang hahanapin.
Ipinagmalaki rin ni Abalos na nakapaghain sila ng demanda laban sa Kingdom of Jesus Christ matapos ang isinagawang raid sa lugar.
Si Quiboloy ay nahaharap sa patong-patong na kaso partikular na sa paglabag sa Republic Act (RA) No.7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, at maging sa RA No. 9208 o Qualified Human Trafficking.
Naglabas na rin ang korte ng warrant of arrest para sa mga nabanggit na kaso.
Patuloy rin nilang hinahanap ngayon si Alice Guo na sangkot naman sa mga ilegal na aktibidad ng POGO sa bansa partikular sa kanilang bayan.