BAGUIO CITY – Nadiskubre ng tropa ng pamahalaan ang isang abandonadong kampo ng mga rebeldeng New People’s Army sa kagubatan ng Bangaan, Sagada, Mountain Province.
Ayon kay Lt. Col. Narciso Nabulneg Jr., commander ng 54th Infantry Battalion, Philippine Army, nadiskobre ng mga sundalo ang nasabing kuta na pwedeng tirahan ng aabot sa 50 indibidual o dalawang undersized platoons ng mga rebelde.
Aniya, nagresponde ang mga sundalo batay sa impormasyong natanggap nila mula mismo sa mga residente ukol sa nasabing kampo ng mga rebelde na matatagpuan sa masukal na bahagi ng gubat.
Natagpuan din ng mga sundalo ang bigas at mga kagamitang pangkusina ng mga tumakas na mga rebelde.
Sinabi pa ni Nabulneg na mismong mga mamamayan na sa Sagada ang nagpapalayas sa mga rebelde sa kanilang lugar.
Dinagdag niya na ang pagbigay ng mga mamamayan ng tip sa tropa ng gobyerno ay patunay na suportado ng mga ito ang Regional Task Force on Ending Local Communist Armed Conflict.
Una ng idineklara ng mga residente ng Sagada at ng lokal na pamahalaan na persona non-grata ang mga rebeldeng NPA sa kanilang bayan.
Samantala, iniya-apela naman ni PCapt. Basilio Hopdayan Jr., hepe ng Sagada Municipal Police Station ang patuloy na pagbigay ng mga mamamayan doon ng suporta at impormasyon sa mga pulis at militar ukol sa mga rebeldeng naninirahan sa kanilang bayan.
Aniya, malaki ang kontribusiyon ng tulong ng mga ito para sa mabilisang pagkilala sa mga miyembro ng rebeldeng grupo.
Hinikayat pa nito ang mga rebelde na sumuko na at ng matulongan ang mga ito sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng pamahalaan.