Dismayado ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) matapos na hindi igawad sa Pilipinas ang hosting rights ng na-reschedule na Olympic Qualifying Tournament (OQT) para sa Boxing.
Sa Amman, Jordan kasi ibinigay ang hosting para sa Asian and Oceanic qualifiers na gaganapin na mula Marso 3 hanggang 11.
Matatandaang sa Wuhan, China sana idaraos ang qualifiers mula Pebrero 3 hanggang 14, ngunit kinansela ito ng International Olympic Committee-Boxing Task Force (IOC-BTF) dahil sa banta ng novel coronavirus.
Sa isang pahayag, sinabi ni ABAP chairman Manny V. Pangilinan na nakahanda ang Pilipinas sa hosting at gagamitin ang lahat ng resources kung sakali.
Gayunman, nagbigay na lamang si Pangilinan ng good luck wish para sa Jordan.
“I thank the IOC Boxing Task Force for their kind consideration of our offer. We wish Jordan well in their hosting,” wika ni Pangilinan.
“I also wish to convey our appreciation to those who supported our bid to host, notably the Philippine Olympic Committee, the Philippine Sports Commission, IOC representative to the Philippines Ms. Mikee Jaworski and the public at large. Onward to the Olympics,” dagdag nito.
Depensa naman ng IOC, pinili nila ang Jordan dahil sa ito ang may pinakamagandang alok sa lahat ng mga bansang nagsumite ng hosting bid.
“After a careful review of all alternatives, the BTF approved the proposal of the Jordan Olympic Committee (JOC) today, in order to confirm the competition dates and location as soon as possible, in the best interest of the athletes preparing for the qualifier,” pahayag ng lupon.
“The BTF would like to thank all the [National Olympic Committees] that offered their support to re-organize the competition at such short notice.”