Naniniwala si Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) president Ricky Vargas na hindi bababa sa dalawang gintong medalya ang maiuuwi ng Pilipinas mula sa Paris Olympics.
Dagdag pa nito na labis ang kahandaan ng mga boksingero ng bansa para sa nasabing torneo.
Ilan sa mga inaasahan niyang makakapag-uwi ng gintong medalya ay sina lightheavyweight (80kg) Eumir Marcial, featherweight (57kg) Carlo Paalam, lightflyweight (50kg) Aira Villegas, featherweight (57kg) Nesthy Petecio at middleweight (75kg) Hergie Bacyadan.
Nakapasok sa Olympics ang 28-anyos na si Marcial matapos na makausad sa final ng Asian Games sa Hangzhou noong nakaraang taon habang ang 28-anyos na si Villegas at 32-anyos na si Petecio ay nakapasa sa unang World Qualifying Tournament sa Italy noong Marso.
Ang 25-anyos naman na si Paalam at 29-anyos na si Bacyadan ay nakapasok sa Olympics ng magtagumpay sa ikalawang World Qualifying Tournament sa Bangkok, noong Hunyo.
Dagdag pa ni Vargas na tinalo ni Paalam ang limang boksingero sa loob ng pitong araw at bawat isa ay do-or-die na event.
Kung nakakuha ito ng silver medal sa Tokyo Olympics ay hindi malabong makakuha na ito ng gintong medalya sa Paris Olympics.
Magsisimula ang boxing event sa Paris mula Hulyo 27 at magtatapos ng hanggang Agosto 11.