Umaasa pa rin ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na mag-iiwan pa rin ng marka ang mga Pinoy boxers na lalahok sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.
Ito’y kahit na mistulang nawalan ng gana ang mga boxing athletes dahil sa ipinagpaliban ang Summer Games hanggang sa susunod na taon bunsod ng banta ng coronavirus pandemic.
Sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) forum, sinabi ni ABAP President Ricky Vargas na bagama’t regular pa ring nag-eensayo ang mga boksingero at patuloy ang kanilang ugnayan sa kani-kanilang mga coach, hindi pa rin daw sapat ang mga online training sessions.
Hinihintay pa rin daw nila sa ngayon ang basbas mula sa Inter-Agency Task Force at sa Department of Health kung kailan maaaring ipagpatuloy ang mga physical training sessions.
Ipinagbabawal pa rin kasi ang mga contact sports sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.
Sa kabila nito, inihayag ni Vargas na kumpiyansa ito na makakakuha ng puwesto sa Tokyo Olympics ang mga Pinoy boxers, at kung posible ay makapag-uwi pa ng medalya.
“Marami tayong hopefuls na pwede pang mag-qualify,” ani Vargas. “I’m in touch with Nesthy [Petecio], and she’s very eager to go for the qualification and to redeem herself. Carlo Paalam, Rogen Ladon, Ian Clark Bautista — may chance pa ‘yan to qualify for the Olympics.”
“Hopefully, we can qualify for five (boxers) din. This is going to be a bountiful crop for us in ABAP,” he said. “They’re all working as much as they can with their coaches.”
Sa ngayon, dalawang Pinoy boxers pa lamang ang pasok na sa Olympics, sa katauhan nina Eumir Marcial at Irish Magno.