-- Advertisements --
eumir marcial boxing
Eumir Felix Marcial of the Philippines (photo from Go for Gold Philippines)

VIGAN CITY – Malaki ang paniniwala ng secretary – general ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na magagawa ng mga boksingero ng Team Philippines na masungkit ang over-all championship title sa larangan ng boxing sa nagpapatuloy na 30th Southeast Asian Games.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni ABAP Secretary – General Ed Picson na simula pa lamang ay ayaw na nitong magbigay ng prediksyon o haka-haka kung gaano karaming medalya ang masusungkit ng mga atleta ng bansa na sasabak sa boksing ngunit tiwala itong ang Team Philippines ang tatanghaling over-all champion sa nasabing event.

Aniya, nakahanda at nakakondisyon umanong manalo sa kani-kanilang mga kategorya ang mga atletang sasabak sa boxing events sa nasabing regional biennial meet, at idagdag pa ang mainit na suporta ng mga Pilipinong manunuod sa kanilang bawat laban na makakatulong upang masungkit ang mga gintong medalyang nakataya sa boxing.

Ang mga bumubuo sa national team sa larangan ng boxing ay sina world champion Nesthy Petecio, regional gold medalists Charly Suarez, Eumir Marcial, John Marvin, Marjon Piañar, Carlo Paalam, Josie Gabuco at Irish Magno.