-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay sa pamamaril si ABC President Mark Adrian “Macky” Barba kasama ang kanyang dalawang bodyguard sa Brgy. 22 sa bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Kinilala ang dalawang bodyguard na sina Lord Wayne Bautista Menor, 26 na anyos, binata, residente ng Brgy. 12 San Cayetano at Raffy Agraan Ulep, 39 na anyos, residente ng Brgy. 6 San Juan Bautista sa parehong bayan.

Ayon sa San Nicolas Municipal Police Station, sakay ang mga biktima ng kulay gray na Toyota Innova na minamaneho ni Menor pahilaga nang bigla silang pinaulanan ng bala ng baril.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at nabangga ang nakaparadang Toyota Fortuner.

Nagtamo ang mga biktima ng maraming tama ng bala sa kanilang katawan kabilang ang kanilang mga ulo.

Parehong dead on arrival si ABC President Barba at isa sa kanyang mga bodyguard na si Ulep habang si Menor ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital.

Kaugnay nito, naging masakit ang kalooban ni Mayor Mike Hernando sa nangyaring pamamaril kay ABC President Barba kung saan ay kaanak pa niya ito.

Samantala, mahigit 40 kapsula ng bala ang narekobre sa pinangyarihan ng krimen.