-- Advertisements --

VIGAN CITY – Kasong frustrated murder ang kinakaharap ng Association of Barangay Captains (ABC) president sa Magsingal, Ilocos Sur dahil isa ito sa mga itinuturong suspek sa pamamaril at tangkang pagpatay sa isang principal ng public high school sa nasabing bayan noong September 11 sa boundary ng Barangay Manzante at Cabaroan, bayan ng Magsingal.

Base sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nakilala ang nasabing ABC president na si Romeo Tiri na residente ng Barangay Manzante, Magsingal.

Kasama nitong nakasuhan si Dennis Tiri na residente ng nasabing lugar at isa pang hindi pa pinangalanang lalaki na patuloy na pinaghahanap ngayon ng mga otoridad.

Maaalalang nalagay sa bingit ng kamatayan noon ng biktimang si Eulalia Lyn Gagto, 52- anyos, may- asawa at principal ng Manzante National High School na residente ng Barangay San Julian, Magsingal dahil sa tama ng bala na kaniyang natamo ngunit sa ngayon ay nasa ligtas na itong kalagayan.