-- Advertisements --

Kumita umano ng halos $3-milyon ang pagsubasta sa ilan sa mga memorabilia sa career ni NBA legend Kareem Abdul-Jabbar.

Kasama sa auction nitong Linggo (local time) ang nasa 234 pieces, kabilang na ang apat sa limang NBA championship rings na napanalunan nito sa ilalim ng Los Angeles Lakers.

Sa kabuuan, naibenta raw ito sa halagang $2.9-milyon.

Batay sa ulat, ang 1987 championship ring ay naipagbili sa presyong $398,937.50; ang 1985 ring ay kumita ng $343,700; habang ang 1980 at 1988 rings ay mayroong $245,500 bawat isa.

Hindi naman isinama ang kanyang 1971 championship ring sa Milwaukee Bucks.

Samantala, pumatak naman ng mahigit $120,000 bawat isa ang tatlo sa kanyang anim na MVP trophies.

Una nang inihayag ng 71-year-old na si Abdul-Jabbar na mapupunta raw ang karamihan sa kita ng subastahan sa Skyhook Foundation, isang charity na tumutulong sa mga kabataang matutunan ang agham, teknolohiya, at iba pa.

“When it comes to choosing between storing a championship ring or trophy in a room, or providing kids with an opportunity to change their lives, the choice is pretty simple. Sell it all,” wika ni Abdul-Jabbar. (Reuters)